Ano ang Stroke? Sa araw na ito ay ating pag-uusapan ang tungkol sa Stroke, at ano nga ba ang maaaring gawin upang ito ay malunasan. At paano nga ba nagkakstroke ang tao? Tara at sabay-sabay tayong matuto.
Ang atake sa utak o stroke ay isang nakamamatay na sakit na nakakaapekto sa utak. Ang stroke ay itinuturing na pangalawa sa nakakamatay na sakit na nararanasan ng mga Pinoy. a katunayan, halos 300,000 na Pilipino ay nanganganib na magkaroon ng stroke taun-taon.
Dahilan ng Stroke?
Kadalasang nagkaka-stroke ang isang tao dahil sa mga sumusunod: malakas na pag-inom ng alak at paninigarilyo, pagkakaroon ng labis na timbang, pagkakaroon ng diabetes, pagkakaroon ng altapresyon, at marami pang iba. Ang mga ito ay nagdudulot ng pagbabara o pagdurugo sa mga ugat ng utak, kaya naman walang sapat na oxygen ang dumadaloy sa mga ugat. Kapag nangyari ito, ang mga selula ng utak ay unti-unting mamamatay at posibleng maging sanhi ng permanenteng pinsala sa utak.
Kapag ang isang tao ay nagka-stroke, makararamdam siya ng pamamanhid sa kalahating bahagi ng kanyang katawan at mahihirapan din siya sa pagsasalita. Marami pang mga sintomas ang stroke, pero ang mga nabanggit ang pinakakilalang sintomas.
Bagama’t ang stroke ay nakamamatay lalo na kung hindi ito naagapan, maaari pang maka-recover sa stroke kapag nalapatan ng karampatang lunas.
Mga Uri
Ayon sa American Stroke Association, mayroong 5 uri ng stroke o atake sa utak at ito ay ang mga sumusunod:
- Ischemic Stroke – Ang ischemic stroke ay ang pinakalaganap na uri ng stroke. Base sa datos, 87% ng stroke ay ischemic stroke. Nagkakaroon nito kung ang mga ugat sa utak ay nabarahan ng mga namuong taba o dugo.
- Hemorrhagic Stroke – Kung ang ischemic stroke ay ang pagbabara ng mga ugat, ang hemorrhagic stroke naman ay ang pagdurugo ng mga ugat. Dahil sa pagtaas ng presyon sa utak, ang mga ugat nito ay maaaring pumutok o malagot, kaya naman nagkakaroon ng pagdurugo.
- Transient Ischemic Attack (TIA) – Ang transient ischemic attack o TIA ay kaugnay ng ischemic stroke, pero hindi ito kasinglala nito. Sa TIA, nagkakaroon ng pansamantalang pagbabara ng mga ugat. Bagama’t hindi ito kasinglala ng ischemic stroke, hindi pa rin ito dapat balewalain. Ang TIA ay hudyat na maaaring magkaroon ng mas malalang stroke na magdudulot ng permanenteng pinsala sa utak.
- Cryptogenic Stroke – Ang cryptogenic stroke ay isang uri ng stroke na hindi malaman-laman kung ano ang dahilan kahit madami na’ng laboratory tests ang isinagawa. Sa kasong ito, nangangailangan pa ng maigting na kolaborasyon sa pagitan ng mga neurologist, cardiologist, at electrophysiologist.
- Brain Stem Stroke – Kapag nagka-stroke ang isang tao, ang kadalasang napaparalisa ay ang kalahating parte ng katawan. Pero kapag ito ay isang brain stem stroke, ang buong katawan ay napapaparalisa. Sa uri ng stroke na ito, hindi magagawang makapagsalita at makakilos ang pasyente.
Mga Sanhi
- Labis na pag-inom ng alak – Marami sa mga kabataang Pilipino ay labis-labis na ang pag-inom ng alak. Base sa datos, kahit edad 20-anyos pa lamang ay pwede nang magka-stroke. Ang alak kasi ay maraming masamang naidudulot. Pinapalabnaw nito ang dugo na siyang maaaring magdulot ng hemorrhagic stroke.
- Paninigarilyo – Bukod sa alak, ang paninigarilyo ay isa rin sa mga sanhi ng stroke. Ang sigarilyo ay naglalaman ng nikotina na siyang nagiging dahilan ng pamumuo ng dugo. Dahil dito, nagkakaroon ng pagtaas sa presyon at ang mga cell ng utak ay namamatay dahil sa kakulangan ng oxygen.
- Mataas na presyon – Ang pagkakaroon ng mataas na presyon ay pwede ring magresulta sa stroke. Kung ang presyon ay 140/90 pataas, dapat magkaroon ng maigting na pag-iingat sa lifestyle o paraan ng pamumuhay.
- Sakit sa puso – Anumang uri ng sakit sa puso ay posibleng magdulot ng stroke. Dahil kadalasang may nakabarang taba sa mga ugat ng katawan, hindi malayong umabot din ito sa mga ugat ng utak.
- Labis na timbang – Base sa pag-aaral, ang mga taong may labis na timbang ay siyang madalas magkaroon ng transient ischemic attack o TIA. Dahil sa mga naiipong taba sa mga ugat, ang daluyan ng dugo ay sumisikip at nagdudulot ito ng mataas na presyon. Kapag tumaas na ang presyon at ito ay lumala nang lumala, posibleng magka-stroke ang isang tao.
- Diabetes – Isa pang sanhi ng stroke ay ang diabetes. Ayon sa pag-aaral, ang pagkakaroon ng mataas na blood sugar level ay nakapipinsala sa mga ugat ng katawan, lalo na ang mga ugat sa utak.
Sintomas ng Stroke
- Biglaang pamamanhid ng kalahating bahagi ng katawan – Ang pinakakilalang sintomas ng stroke ay ang biglaang pamamanhid ng kalahating bahagi ng katawan gaya ng mukha, braso, at binti. Kadalasan, ito ay kalahating bahagi lamang sapagkat kalahating bahagi lang din ng utak ang naaapektuhan ng stroke.
- Pagkalito at hirapan sa pagsasalita – Dahil apektado ang kalahating bahagi ng utak, ang taong may stroke ay makararanas ng pagkalito. Mahihirapan din siyang magsalita sapagkat hindi niya makontrol nang ayos ang kanyang dila.
- Paglabo ng mga mata – Makararanas din ng paglabo ng isa o dalawang mata ang taong may stroke. Ayon sa datos, 20% ng naka-recover sa stroke ay nagkaroon na ng permanenteng panlalabo ng mga mata.
- Biglaang pananakit ng ulo – Dahil ang utak ay hindi nabibigyan ng sapat na oxygen, makararamdam ang pasyente ng biglaang pananakit ng ulo. Bukod dito, makararanas din ang pasyente ng pagkahilo.
- Hindi makabalanse at makalakad nang maayos – Isa pang sintomas ng stroke ay ang hindi makabalanse at makalakad nang maayos. Nawawalan ng koordinasyon sa pagkilos ang taong may stroke sapagkat may pinsala ang utak at hindi nito magawang bigyan ng senyales ang naparalisang bahagi ng katawan.
Gamot at Lunas
Ang paggamot sa stroke o atake sa utak ay depende sa kung anong uri ito. Ang doktor ay maaaring magbigay ng agarang lunas gaya ng mga sumusunod:
Gamot at Lunas sa Ischemic Stroke
Ang ischemic stroke ay ang pagkakaroon ng baradong ugat. Upang magamot ito, ang doktor ay maaaring magsagawa ng mga sumusunod:
- Thrombolysis – Ang thrombolysis ay isang pamamaraan upang tunawin ang namuong dugo sa utak. Sa pamamaraang ito, gagamit ang doktor ng tissue plasminogen activator o tPA. Ito ay kilala rin sa tawag na alteplase. Hindi ito isang uri ng pag-oopera. Ang tPA o alteplase ay gamot lamang na pinapadaan sa swero para mawala ang nakabara sa ugat ng utak.
- Thrombectomy – Kung ang baradong ugat sa utak ay ang large artery, maaaring magsagawa ang doktor ng thrombectomy. Sa pamamaraang ito, tuturukan ang pasyente ng gamot pampamanhid, pagkatapos ay may ipapasok na sobrang liit na tubo sa ugat ng kanyang singit. Konektado kasi ang ugat ng singit sa large artery ng utak. Pagkakonekta ng tubo, maaaring turukan ito ng medikasyon para tunawin ang baradong ugat sa utak, o kaya naman ay gagamit ng isang suction device para “higupin” ang nakabara.
- Medikasyon – Kapag natanggal na ang nakabara sa ugat ng utak, reresetahan ng doktor ang pasyente ng mga gamot upang tuluy-tuloy na ang kanyang paggaling. Maaaring resetahan ang pasyente ng anti-platelets at anti-coagulants upang hindi na magkaroon muli ng pamumuo ng dugo sa utak. Bukod sa mga ito, maaari ring resetahan ang pasyente ng anti-hypertensives at statins upang mapangasiwaan ang presyon ng dugo at lebel ng cholesterol sa katawan.
- Pag-oopera – Kung ang baradong ugat ay ang carotid artery ng leeg, mataas ang posibilidad na maoperahan ang pasyente. Sa pamamaraang ito, hihiwain ng surgeon ang leeg ng pasyente upang umultaw ang carotid artery. Pagkalabas ng carotid artery, tatanggalin na ng surgeon ang mga nakabarang dugo o taba upang manumbalik ang pagdaloy ng dugo sa utak.
Ang mga gamot at lunas na nabanggit ay maaari ring gawin sa taong may transient ischemic attack o TIA sapagkat kaugnay nito ang ischemic stroke.
Gamot at Lunas sa Hemorrhagic Stroke
Ang hemorrhagic stroke ay ang pagdurugo ng mga ugat sa utak. Upang magamot ito, maaaring gawin sa pasyente ang mga sumusunod:
- Medikasyon – Para gamutin ang hemorrhagic stroke, ang doktor ay maaaring magbigay ng medikasyon na nagpapabagal ng daloy ng dugo sa utak. Bukod dito, maaari ring resetahan ang pasyente ng medikasyon na pampababa ng presyon upang hindi tuluyang magsiputukan ang mga ugat sa utak.
- Craniotomy – Kung masyado nang marami ang naipong dugo sa utak ng pasyente, maaari siyang sumailalim sa craniotomy. Ang craniotomy ay isang uri ng pag-oopera na kung saan ay kailangang butasin ng surgeon ang bungo ng pasyente upang malunasan ang parte ng utak na nagdurugo.
Bagama’t ang mga nabanggit na gamot at lunas ay para sa ischemic at hemorrhagic stroke lamang, maaari ring gawin ang mga ito sa cryptogenic at brain stem stroke depende sa sanhi, kung nagbara ba o nagdugo ang mga ugat.
Pag iwas
- Kumain nang tama – Sa pagkain nang tama, maiiwasan ang pagkakaroon ng mataas na presyon, sakit sa puso, labis na timbang, at diabetes—na mga kilalang salik na panganib ng stroke. Upang hindi ma-stroke, kumain ng maraming prutas at gulay at bawasan ang maaalat na pagkain.
- Mag-ehersisyo – Ang pag-eehersisyo ay nakatutulong upang mapanatili ang wastong timbang. Bukod dito, umaayos ang pagdaloy ng dugo sa buong katawan at nabibigyan ng sapat na oxygen ang utak.
- Huwag magbisyo – Iwasan na ang pag-inom ng alak at itigil ang paninigarilyo. Ang mga bisyong ito ay nakasasama sa kalusugan at kapag nasobrahan ay hindi lamang stroke ang pwedeng idulot nito.