Ano ang amoebiasis?
Ang amoebiasis ay kilala rin sa tawag na amoebic dysentery. Sa kondisyon sa digestive system na ito, ang mga bituka ay nagkaroon ng impeksyon dulot ng amoeba, isang uri ng parasitiko. Maraming iba’t ibang uri ng amoeba ang maaaring makapagdulot ng amoebiasis, subalit ang pinakapangkaraniwang sanhi nito ay ang Entamoeba histolytica (E. histolytica).
Kapag naapektuhan ng kondisyong ito, maaaring magtae at magsuka ang pasyente. At kung malubha na ang kondisyon, dumudumi na ang pasyente na may kasamang dugo. Kadalasang nakapapasok sa katawan ang parasitikong nagdudulot nito kapag ang isang tao ay nakainom ng kontaminadong tubig o kaya naman ay nakakain ng kontaminadong pagkain. Nagiging kontaminado ang mga ito kapag sila ay nadikitan o nahaluan ng kahit katiting na dumi ng infected na tao.
Ano ang mga sintomas ng amoebiasis?
Marami ang mga senyales at sintomas ng amoebiasis ngunit narito ang ilang halimbawa:
- madalas na pagdumi (around 6-8 x a day)
- dugo o sipon sa dumi
- pananakit ng tiyan
- pakiramdam na laging nadudumi o pakiramdam na hindi natatapos ang pagdumi
- minsan ay may lagnat (1/3 of patients)
Ano ang sanhi ng amoebiasis?
Ang pinakapangunahing sanhi ng amoebiasis ay ang parasitikong amoeba. Maaaring pumasok ang amoeba sa loob ng katawan at makarating sa mga bituka sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Pag-inom ng kontaminadong tubig
- Pagkain ng kontaminadong pagkain
- Aksidenteng pagkahawak sa dumi ng infected na tao at pagsalin nito sa tubig at pagkain
- Hindi malinis at wastong paghahanda ng pagkain
- Pagkadapo ng mga langaw o ipis sa pagkain
- Pakikipagtalik gamit ang puwet (anal sex o oral-anal sex)
Madaling magkaroon ng amoebiasis lalo na kung nakahawak ng dumi ng infected na tao. Kaya naman maging ang ilang uri ng pakikipagtalik ay maaari ring maging sanhi nito. Dagdag dito, ang mga amoeba ay maaaring manirahan sa dumi ng napakaraming buwan at maari rin silang matagpuan sa lupa at mga pataba ng halaman.
Paano ginagamot ang Amoebiasis?
Ang lunas sa amoebiasis ay ang pag inom ng antibiotics. Ito ay iniinom upang mapuksa anf Entamoeba Hystolitica sa katawan. Kung nakararanas ng pagtatae, maari ring painumin ng oral rehydration solution o ORESOL ang pasyente upang maiwasan ang dehydration.
Karaniwan din pinapayuhan ang pasyente na uminom ng pinakuluan tubig at iwasan ang tubig na nanggaling sa kahina hinalang pinagkukunan upang maiwasan ang paglubha ng impeksyon.
Paano maiwasan ang amoebiasis?
Wastong pagiingat, kalinisan sa paligid at pagiging mausisa sa kinakain o iniinom ang dapat tandaan upang maiwasan ang amoebiasis. Hanggat maari, kumain lamang ng lutong bahay at uminom lamang ng distilled water. Ugaliin ding hugasan ng husto ang gulay at prutas bago ito lutuin. Kasama rin sa pag iingat ang pag iwas sa pag gamit ng yelo, pag inom sa drinking fountain, at pagkain ng street food.