Ano ang hypertension?
Habang dumadaloy ang dugo, meron itong ine-exert na pwersa sa mga arterial wall. Ang pwersang ito ang tinatawag na blood pressure. Sa mga taong may high blood pressure o hypertension, na mas kilala sa Tagalog na altapresyon, sobrang taas o lakas ng pwersa ng pagdaloy ng dugo sa mga ugat. Dahil dito, tumataas din ang posibilidad na magkaroon ang isang taong may hypertension ng iba pang sakit o kondisyon, katulad ng heart disease, stroke, at maging kidney failure.
Ano ang mga Sintomas ng Hypertension?
Tinatawag na “silent killer” ang hypertension dahil pwedeng meron na palang ganitong kondisyon ang isang tao kahit na wala siyang kahit anong sintomas. Ito ay dahil hindi naman talaga natin nararamdaman ang pagdaloy ng dugo sa ating mga ugat. Kung kaya naman, mas maganda talaga kung palaging namo-monitor ang BP para malaman kung mataas na ba ito kaysa sa normal.
Ganunpaman, meron pa ring ilang mga sintomas na pwedeng sumabay sa high blood pressure. Kasama na dito ang mga sumusunod:
- Pananakit ng ulo
- Hindi normal na tibok ng puso
- Pagkahapo at kakapusan ng hininga
- Panlalabo ng paningin
- Pag-ugong sa tenga
- Pagdurugo ng ilong
Kapag sobrang taas na ng presyon ng isang tao, pwede ring malito, mahilo, masuka, o makaramdam ng sobrang pagod. Posible ring makaranas ng pananakit ng dibdib at panginginig ng mga muscle.
Kung sakaling maramdaman o maranasan ang mga ito, i-check kaagad ang BP ng pasyente para makumpirma kung dulot nga ng mataas na presyon ang mga sintomas.
Oras na ma-diagnose na ang hypertension, sundin ang mga payo ng iyong doktor lalo na tungkol sa pagkain at pag-inom ng maintenance medicine.
Ano ang mga Sanhi ng Hypertension?
May dalawang pangunahing klase ng hypertension: primary at secondary. Ang primary hypertension ay nade-develop sa pagtagal ng panahon. Hindi pa sigurado ang mga eksperto kung ano talaga ang sanhi nito. Ang secondary hypertension naman ay madalas na dulot ng iba pang sakit. Halimbawa, kung may sakit sa kidney o kaya sa thyroid ang isang tao, pwede ring tumaas ang kanyang BP. Meron ding mga gamot na pwedeng magpataas ng presyon, katulad ng mga antidepressant at birth control pill.
Kailangan pa ng mas maraming pag-aaral para malaman kung ano talaga ang tunay na dahilan ng pagtaas ng blood pressure ng isang tao. Ganunpaman, may mga napatunayan nang mga risk factor ang hypertension. Mas mataas ang chance mo na magkaroon ng altapresyon kung ikaw ay
- Edad 55 pataas
- May kamag-anak na may altapresyon, sakit sa puso, o diabetes
- Overweight
- Hindi nag-e-exercise
- Hindi natutulog nang sapat na oras
- Madalas kumain ng mga pagkaing mataas sa sodium
- Kulang sa potassium
- Naninigarilyo
- Malakas at madalas uminom ng alak
Ang mga babaeng buntis din ay mayroong risk na magkaroon ng gestational hypertension. Dapat bantayan mabuti ang kondisyong ito dahil pwede itong mauwi sa preeclampsia, isang komplikasyon sa pagbubuntis na pwedeng magdulot ng panganib sa buhay ng ina at ng kanyang sanggol.
Ano ang mga Antas o Level ng Hypertension?
Bukod sa primary at secondary hypertension, meron din itong iba-ibang antas o level. Ito ay ang mga sumusunod:
- Elevated blood pressure. Ito ay ang antas ng altapresyon kung saan ang reading ay 120 hanggang 129 mmHg ang systolic pressure, at hindi tataas sa 80 mmHg ang diastolic pressure. Minsan ay tinatawag din itong prehypertension.
Gaya ng nabanggit sa itaas, minsan ay tumataas talaga ang presyon ng isang tao kung siya ay pagod o stressed. Kapag ganito ang sitwasyon, bantayan mabuti ang BP sa loob ng ilang araw. Kung tuloy-tuloy na mataas ang blood pressure reading, magpakonsulta na sa doktor.
- Stage 1 hypertension. Sa ganitong antas ng altapresyon, ang systolic pressure ay mula 130 hanggang 139 mmHg at ang diastolic pressure ay 80 hanggang 89 mmHg.
- Stage 2 hypertension. Kapag umabot na sa 140/90 mmHg ang BP ng isang tao, masasabing siya ay nasa stage 2 hypertension.
- Hypertensive crisis. Sa hypertensive crisis, umabot na sa 180/120 mmHg o mas mataas pa ang BP ng pasyente. Kung walang ibang nararamdamang sintomas, i-check ulit ang BP pagkatapos ng ilang minuto. Kung hindi ito bumaba, pumunta na kaagad sa ospital. Kung may mga sintomas naman katulad ng pagkahilo, pagkamanhid ng mga braso o binti, panghihina, o kahirapan sa paghinga, tumawag ng ambulansya o emergency services. Pwede ring humanap ng makakasama papunta sa ospital. Delikadong bumiyahe nang mag-isa kapag ganito ang sitwasyon.
Ano ang mga Komplikasyon ng Hypertension?
Kung hindi mama-manage nang maayos, pwedeng mauwi ang hypertension sa iba-ibang mas malalang kondisyon o sakit. Nangunguna na sa mga ito ang heart disease at pagka-damage ng muscle ng puso. Ito ay dahil sa pagtigas ng mga artery, na dahilan ng pagbaba ng supply ng dugo at oxygen sa puso. Pwede itong maging sanhi ng mga kondisyon katulad ng heart failure, heart attack, at pagkakaroon ng hindi regular na heartbeat.
Ilan pa sa mga seryoso o malalang komplikasyon ng sobrang taas na blood pressure ang mga sumusunod:
- Stroke
- Angina o matinding pananakit ng dibdib
- Aneurysm. Ito ay isang kondisyon kung saan umuumbok ang mga blood vessel. Kapag pumutok ang mga umbok o bukol na ito, pwede itong maging sanhi ng pagkamatay.
- Pagputok ng mga ugat sa mata. Kapag mataaas ang presyon ng isang tao, posbileng pumutok ang kanyang mga ugat. Mas mataas ang risk na mangyari ito sa mga maliliit na ugat, katulad ng nasa mga mata. Kapag nangyari ito, pwedeng lumabo ang paningin ng pasyente o tuluyan siyang mabulag.
- Kidney problems. Kung masyado nang makipot ang mga ugat na daluyan ng dugo papunta sa mga kidney, pwedeng itong magdulot ng kidney problems katulad ng hindi normal na pag-ihi.
- Metabolic syndrome. Ang metabolic syndrome ay isang uri ng sakit kung saan hindi napa-process nang maayos ng katawan ang protein, cholesterol, at hormones. Dahil dito, tumataas ang risk na magkaroon ng mga sakit o kondisyon katulad ng diabetes at heart disease.
- Pagkakaroon ng problema sa memorya at pagko-concentrate. Pwedeng maging sanhi ng pagiging makakalimutin, kahirapan sa mag-focus at mag-isip, at pag-aaral ng mga bagong konsepto ang altapresyon. Ito ay dahil posibleng magkulang ang supply ng dugo sa utak, dahil sa pagkipot ng mga ugat. Tumataas din ang risk na magkaroon ng dementia at iba pang katulad na sakit ang mga taong may hypertension.
Ano ang Pwedeng Gamot sa Hypertension?
Ang pangunahing gamot o treatment para sa hypertension ay ang lifestyle changes kasabay ng mga hypertension drugs. Ilan sa mga recommended lifestyle changes para sa high blood pressure ang mga sumusunod:
- Pagbawas ng asin sa diet. Ang ideal na dami ng sodium sa daily diet ng isang tao ay 2,300 mg. Para sa mga may edad na, 1,500 mg ng sodium araw-araw ang recommendation ng mga doktor. Iwasan ang mga processed foods at mga chichirya para mapababa ang iyong sodium intake. Gumamit din ng herbs sa halip na asin, patis, o toyo ang gamitin sa pagpapalasa ng mga lutuin.
- Pagkain ng masustansyang pagkain. Mag-focus sa mga pagkain katulad ng prutas, gulay, isda, low-fat dairy products, at whole grains.
- Mag-exercise. Makakatulong ang pag-e-exercise para mapapaba ang presyon and mabawasan ang stress. Malaking tulong din ito sa pagbabawas ng timbang at pagme-maintain ng tamang timbang. Magandang i-target ang at least 150 minuto ng moderate aerobic activity kada linggo para makuha ang mas magandang resulta. Kung hindi sanay sa pag-e-exercise, humingi ng payo sa mga doktor at fitness experts.
- Huwag manigarilyo at bawasan ang pag-inom ng alak. Nakakasira ng mga blood vessel ang mga kemikal na nasa sigarilyo. Samantala, pwede namang mapataas ng alcohol ang blood pressure ng isang tao kahit na malusog ang kanyang pangangatawan.
- Humanap ng positibong paraan para mabawasan ang stress. Kung palagi kang stressed, tumataas ang risk ng pagkakaroon ng hypertension. Humanap ng oras para mag-relax at sikaping makakuha ng sapat na tulog gabi-gabi. Pwede ring makatulong ang pagme-meditate at deep breathing exercises para mas maging kalmado ang katawan at isipan.
Mas mabuti rin kung makakabili ng blood pressure monitor na magagamit sa bahay para mas madaling ma-check at mai-record ang mga BP readings. Kapag maayos ang record, mas madaling malalaman ng doktor kung epektibo ba ang ibinigay na gamot at kung ano pa ang pwedeng gawin para ma-manage ang kondisyon.
Pagdating naman sa mga gamot, maraming uri ng hypertension drugs pwedeng ireseta. Ilan sa mga pinaka-popular ay ang mga sumusunod:
Angiotensin II receptor blockers o ARBs. Ang mga ARB ay may kakayahang magpa-relax ng mga blood vessel para para mas maluwag ang pagdaloy ng dugo. Ilan sa mga halimbawa ng ARB na gamot ay metoprolol at losartan.
Angiotensin-converting enzyme (ACE) inhibitors. Pareho ang aksyon ng ARBs at ACE inhibitors, kung saan nare-relax ang mga daluyan ng dugo kaya hindi tumataas ang presyon. Kilala ang lisinopril, enalapril, captopril na mga ACE inhibitor.
Calcium channel blockers. And ganitong uri ng mga gamot ay pinipigilan ang pag-absorb ng mga muscle ng puso at mga blood vessel. Dahil dito, mas madaling nakakadaloy ang dugo. Karaniwang inirereseta sa mga uri ng calcium channel blockers ang amlodipine at nifedipine.
Water pills. Ang mga water pill o diuretic ay nakakatulong sa pag-aaalis ng sobrang sodium sa katawan. Tandaan lang na hindi pwedeng diuretics lang ang inumin para sa hypertension. Madalas ay inirereseta ang gamot na ito kasabay ng iba pang gamot sa high blood pressure.
Pwede ring magreseta ng mga tinatawag na vasodilator ang iyong doktor para ma-relax ang mga muscle ng mga artery. Dahil dito, mas maluwag at mas mababa ang pressure ng pagdaloy ng dugo.
Ang isa pang uri ng gamot na pwedeng gamitin laban sa hypertension ay ang central-acting agents. Sa halip na sa mga blood vessel o muscle, ang epekto ng gamot na ito ay sa utak. Napipigilan ng mga central-acting agent ang pagpapadala ng nervous system ng mga signal na nagpapataas ng tibok ng puso at napapakipot sa mga artery. Dahil dito, mas nagiging madali ang pagdaloy ng dugo sa mga ugat. Isang sikat na uri ng central-acting agent ang clonidine.
Kung hindi nagbabago ang kondisyon sa kabila ng pag-inom ng iniresetang gamot o kung may nararanasang hindi magandang side-effects, huwag munang huminto sa pag-inom o baguhin ang dosage. Tandaan: masama ang mag-self-medicate. Magpakonsulta muna sa doktor para makakuha ng panibagong diagnosis at reseta. Kung ikaw naman ay buntis, mabuting bantayan ang iyong blood pressure lalo na kung may history sa inyong pamilya ng hypertension at iba pang kaugnay na sakit. May posibilidad pa rin kasi na makaranas ng gestational hypertension ang isang babaeng buntis kahit na wala naman siyang hypertension bago siya magdalang tAo