Atake sa puso: Sanhi, sintomas at lunas

Ang atake sa puso o heart attack ay isang mapanganib na kondisyon na nangyayari kapag ang puso ay hindi nakakatanggap ng sapat na dami ng dugo at oxygen.

Ang dugo ay nagdadala ng oxygen at nutrisyon sa mga kalamnan ng puso upang ito ay makapagtrabaho nang maayos. Kapag ang daloy ng dugo sa puso ay nababara o nahihinto, ang mga kalamnan ng puso ay unti-unting napipinsala at namamatay.

Kapag naapektuhan ng kondisyong ito, ang pasyente ay maaaring makaranas ng pananakit o paninikip ng dibdib na kumakalat sa kanyang leeg, panga, o likod.

Karaniwang inaatake sa puso ang isang tao kapag ang kanyang mga ugat o artery ay nabarahan ng namuong dugo o taba.

Maaaring mangyari ang mga ito dahil sa hindi malusog na paraan ng pamumuhay. Kasama sa mga nai-uugnay na salik dito ay ang labis na paninigarilyo at pag-inom ng alak, kakulangan sa pag-eehersisyo, pagiging mataba, at pagkakaroon ng madaming kolesterol sa katawan.

Bukod sa pagbabara ng mga ugat, maaari ring magdulot ng atake sa puso kung nagkaroon ng butas o punit ang mga ugat.

Ito ay maaaring magdulot ng komplikasyon tulad ng cardiac arrest, kung saan tumitigil ang pagtibok ng puso, o heart failure, kung saan hindi na makapagbomba ng sapat na dugo ang puso sa buong katawan.

Ano ang mga Sanhi ng Atake sa Puso?

Ang pangunahing sanhi ng atake sa puso ay ang coronary artery disease (CAD).

Ito ay isang kondisyon kung saan ang mga ugat o artery na nagdadala ng dugo sa puso ay nababarahan ng plaque, o namuong taba at cholesterol.

Ang proseso ng pamumuo ng plaque sa mga artery ay tinatawag na atherosclerosis.

Kapag nasobrahan na ang plaque sa isang artery, maaari itong pumutok at magkaroon ng blood clot, na siya namang babara o haharang sa daloy ng dugo papunta sa puso. Ito ang tinatawag na atake sa puso o myocardial infarction (MI).

Posible ring atakihin sa puso ang isang tao kahit walang pagbabara sa kanyang coronary arteries, pero napakadalang nitong mangyari. Ilan sa mga dahilan ng ganitong uri ng heart attack ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng pulikat o spasm sa artery, na nagiging dahilan ng panandaliang paghinto ng blood flow papunta sa puso.
  • Pagkasira ng mga coronary artery.
  • Pagkakaroon ng pagbabara galing sa ibang bahagi ng katawan na napunta o na-trap sa isang coronary artery.
  • Kakulangan sa mga nutrient, katulad ng potassium.
  • Pagkakaroon ng mga rare medical condition, lalo na ang mga may kinalaman sa mga daluyan ng dugo.

Sintomas ng Atake sa Puso

Ang bawat tao ay maaaring makaranas ng iba’t ibang mga sintomas ng atake sa puso. Masasabing inaatake na sa puso ang isang tao kung siya ay nakararanas ng mga sumusunod:

  • Pananakit na tila parang pinipiga o dinudurog ang dibdib
  • Pagkakaroon ng hindi komportableng pakiramdam sa likod, panga, lalamunan, o braso
  • Pagkaranas ng mga sintomas ng heartburn na gaya ng pagkabusog, impatso, at pagkabara ng lalamunan
  • Mabilis na pagtibok ng puso
  • Hirap sa paghinga
  • Pagduduwal o pagsusuka
  • Pananakit ng ulo o pagkahilo
  • Labis na pamamawis
  • Panghihina ng katawan

Kung nakakaramdam ka ng alinman sa mga sintomas na ito, huwag mag-atubiling tumawag ng ambulansya o magpunta sa pinakamalapit na ospital.

Ang bawat minuto ay mahalaga sa pagliligtas ng buhay ng isang taong inaatake sa puso. Kung tumigil ang paghinga ng pasyente, kailangang magsagawa ng cardio-pulmonary resuscitation (CPR) sa pamamagitan ng manual chest compression o defibrillation upang mabombahan muli ng dugo at oxygen ang puso ng pasyente.

Ano ang Gamot sa Atake sa Puso?

Ang paggamot sa atake sa puso ay nakasalalay sa uri, lokasyon, at laki ng pinsala sa puso. Ang layunin ng paggamot ay ang maibalik ang daloy ng dugo sa puso at maiwasan ang mga komplikasyon. Ang mga karaniwang gamot at lunas sa atake sa puso ay ang mga sumusunod:

Aspirin

Ang aspirin ay isang gamot na nagpapababa ng pamamaga at nagpapalabnaw ng dugo. Ito ay maaaring makatulong na matanggal ang mga blood clot na nakabara sa mga artery. 

Ang mga taong inaatake sa puso ay karaniwang binibigyan ng aspirin sa ospital o kaya ay pinapainom ng isang tablet ng aspirin habang naghihintay ng ambulansya.

Nitroglycerin

Ang nitroglycerin ay isang gamot na nagpapaluwag ng mga artery at nagpapababa ng presyon ng dugo. Ito ay maaaring makatulong na mapadali ang daloy ng dugo sa puso at mabawasan ang pananakit ng dibdib. 

Ang mga taong may angina o paninikip ng dibdib ay karaniwang may dalang nitroglycerin na pwedeng ilagay sa ilalim ng dila kapag nakakaramdam ng sintomas.

Thrombolytics

Ang thrombolytics ay mga gamot na tinatawag ding clot busters. Ito ay maaaring makatulong na matunaw ang mga blood clot na nakabara sa mga artery sa loob ng ilang oras.

Ang mga taong inaatake sa puso ay karaniwang binibigyan ng thrombolytics sa ospital sa pamamagitan ng intravenous (IV) injection. Ang pagbibigay ng thrombolytics ay dapat gawin sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang malalang pinsala sa puso.

Antiplatelets Agents

Antiplatelet agents. Ang antiplatelet agents ay mga gamot na nagpapababa ng kakayahan ng mga platelet na magdikit-dikit at magbuo ng blood clot. Ito ay maaaring makatulong na maiwasan ang pagbabara ng mga artery at ang pag-ulit ng atake sa puso.

Ang mga taong inaatake sa puso ay karaniwang binibigyan ng antiplatelet agents sa ospital at pinapayuhan na magpatuloy sa pag-inom nito sa bahay. Ang mga halimbawa ng antiplatelet agents ay ang clopidogrel, prasugrel, at ticagrelor.

Beta blockers

Ang beta blockers ay mga gamot na nagpapababa ng bilis at lakas ng pagtibok ng puso. Ito ay maaaring makatulong na mabawasan ang pangangailangan ng puso sa oxygen at maiwasan ang mga komplikasyon tulad ng cardiac arrest o heart failure.

Ang mga taong inaatake sa puso ay karaniwang binibigyan ng beta blockers sa ospital at pinapayuhan na magpatuloy sa pag-inom nito sa bahay. Ang mga halimbawa ng beta blockers ay ang metoprolol, atenolol, at bisoprolol.

Angioplasty

Ang angioplasty ay isang uri ng operasyon na ginagawa sa pamamagitan ng cardiac catheterization. Ito ay isang proseso kung saan isang manipis na tubo o catheter ang ipinapasok sa isang artery sa braso o hita at dahan-dahang isinusuot papunta sa puso.

Sa dulo ng catheter ay mayroong isang maliit na balloon na pwedeng palakihin at paliitin upang maipasok sa baradong artery at maibalik ang daloy ng dugo. 

Sa ilang mga kaso, ang balloon ay may kasamang isang metal na mesh na tinatawag na stent na pwedeng iwan sa loob ng artery upang mapanatili ang pagkaluwag nito.

Bypass surgery

Ang bypass surgery ay isang uri ng operasyon na ginagawa sa pamamagitan ng pagbubukas ng dibdib ng pasyente.

Paano Maiiwasan ang Atake sa Puso?

Upang ma-iwasang maranasan ang atake sa puso, nakatutulong ang mga susunod na na paraan upang palusugin ang puso at pangangatawan:

  • Itigil ang mga bisyong gaya ng paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak.
  • Mag-ehersisyo araw-araw upang umayos ang pagdaloy ng dugo sa katawan.
  • Magbawas ng timbang sa pamamagitan ng pag-eehersisyo at pagpili ng balanse at masusustansyang pagkain.
  • Kung nakaranas na noon pa ng pag-atake sa puso, inumin ang mga iniresetang gamot upang hindi na muling atakihin pa.