Sa araw na ito ay ating pag-uusapan ang sakit na Lupus. Saan nga ba galing ang lupus? Ano ba ang mga sintomas nito?
Ano ang lupus?
Ang lupus ay isang chronic autoimmune disease na kung saan ang sariling immune system ng tao ay nilalaban nya ang sariling tissue ng ating katawan. Ang panlaban ng ating katawan laban sa mga dayuhang mikrobyo ay naguguluhan at nagiging mas aktibo kaya pati ang sariling organo ng katawan ay napipinsala.
Ito ay pangmatagalan na sakit o kondisyon na pwedeng makaapekto sa balat, masel, kidney o bato, buto, kasu-kasuan, dugo, baga, puso, at maging ang utak. Ito ay pinakakaraniwan sa mga babae, ngunit ito rin ay makikita sa mga kalalakihan, bata, at mga matatanda.
Sintomas ng Lupus
Ano ano nga ba ang mga sintomas ng Lupus? Paano natin malalaman na ang tao ay may sakit na ganito?
Iba-iba ang sintomas na mararanasan ng ibat-ibang pasyente depende na ito sa lala ng kanyang kondisyon.
Ang pinaka karaniwang sintomas ng Lupus ay ang tinatawag na butterfly rash o paru-parong pantal sa mukha. Masasakit na masel at hindi maipaliwang na kapaguran. Nagkakaroon din ang pasyente ng lagnat na hindi matukoy ang sanhi, pananakit ng mga kasu-kasuan, pagsusugat ng balat, pamumuti o pangangasul ng mga daliri ng kamay at paa, paghingal. Madalas din nagkakaroon ng singaw sa bibig, labis na paglagas ng buhok at pagkakalbo, at “Anemic” (mababang hemoglobin) o maputla ang dugo.
- Labis na Pagkapagod
- Lagnat
- Pananakit ng Kasu-kasuan
- Mga butlig o pantal sa pisngi o mukha
- Paghingal o paghirap sa paghinga
- Paninikip ng dibdib
- Pamamanas ng paligid ng mata or mga paa dahil sa sakit sa bato
- Pamumuti o pangangasul ng mga daliri ng kamay at paa kapag nalamigan o nakakaranas ng stress
- Pagsakit ng ulo, pagkalimot
- Paglagas ng buhok
- Anemic o mababang hemoglobin
Paano ng ba malalaman kung ikaw ay may Lupus?
Hindi basta basta matitiyak na ang pasyente ay may lupus base lamang sa mga sintomas. Kailangan din nito ng masusing laboratory tests at espesyalista para maidiagnose na lupus nga ang sakit ng pasyente.
Uri ng Lupus
Ang pinaka karaniwan na uri ng Lupus ay ang Systemic lupus erythematosus (SLE). Naaapektuhan nito ang iba’t-ibang bahagi ng katawan ng pasyente batay sa kung gaano kalala ang kanyang Kondisyon.
Ang iba pang mga uri ng Lupus ay ang mga sumusunod:
Discoid lupus erythematosus. Naaapektuhan naman nya ang balat ng pasyente kaya naman ito ay may mga pantal sa mukha at anit. Maaari ring maging makapal at makaliskis ang balat.
Drug-induced lupus. Sa pangalan pa lamang nya ay malalaman nyo na kung anong uri ito ng lupus. Ito ang uri ng lupus na nakukuha dahil sa pag inom ng nga gamot katulad ng hydralazine, procainamide. Nawawala ang sintomas ng lupus pagkalipas itigil ang pag-inom ng gamot pagkatapos ng anim na buwan.
Sanhi ng Lupus
Saan nga ba nakukuha ang lupus? Ano ang sanhi ng sakit na ito.
Hindi matiyak ng mga doktor ang sanhi ng Lupus. Ngunit ayon sa mga espesyalista ay maaaring ito ay dahil sa genes na namana ng mga pasyente sa kanilang mga magulang. Narito ang ilan sa mga risk factors kung kayat nagkakalupus ang tao:
- Gender: Dahil sa pabago bago ng hormones kaya mas mataas ang kaso nito sa mga kababaihan.
- Edad: 15-45 na taon ang karaniwang nagkakaroon ng Lupus.
- Race: Ito ay popular sa mga African Americans, Hispanics at Asian Americans.
Mga komplikasyon ng Lupus
Ang mga taong may lupus ay maaaring magkaroon ng Kidney damage na pwedeng humantong sa Kidney Failure (pinakakaraniwang sanhi ng kamatayan ng mga taong may lupus).
Maari ding magkaroon ng inflammation sa mga muscle at arteris ng puso na maaring humantong sa heart attack.
Maari ding magkaraoon ng inflammation sa chest cavity lining kaya nahihirapan huminga at maari ding magkaroon ng pneumonia.
Isa pang komplikasyon ay ang anemia na kung saan mas konti ang pulang dugo.
Gamot at Lunas ng Lupus
Walang permanenteng lunas ang Lupus ngunit maaaring maibsan ang mga sintomas nito.
Maaring magbigay ng mga gamot katulad na lamang ng Non-steroidal anti-inflammatory drug (NSAID) katulad ng ibuprofen para sa pamamaga at sa mga sumasakit na kasu-kasuan. Maari ring ireseta ng doktor ang hydroxychloroquine; azathioprine; cyclophosphamide; mycophenolate; belimumab; at iba pa.
Kailangang magpatingin sa espesyalista at huwag itong pabayaan upang maaksyonan at hindi na lumala pa.