Almoranas: Gamot, Sintomas at Sanhi

Ang Almoranas o tinatawag na hemorrhoids sa slitang ingles (english) ay mga ugat at laman na lumalabas sa puwit. May mga ugat sa loob ng puwit na pwedeng lumabas, dahil sa pag iire ng matagal. Maari rin itong maipit at dumugo.

Pagdating ng edad 50, mga 50% ng tao ay may almoranas na. Ito ay dahil nagbabago, nanghihina, at lumuluwag ang bahaging ito ng ating katawan habang tayo’y tumatanda. Ngunit hindi lamang ang mga nakakatanda ang nakakaranas nito.

Mga Sintomas ng Almoranas

Ang sintomas ng almoranas ay ang mga sumusunod:

  • Masakit na pakiramdam habang dumudumi. Parang may humihiwa o napupunit sa puwit.
  • Minsan, may dugo sa dumi o sa puwitan.
  • May pagkakataon na makakapa rin ang almoranas sa puwitan.

Mga Sanhi ng Almoranas

Narito ang ibat-ibang sanhi ng almoranas:

Edad

Atin ngang napag-usapan sa taas na mas malaki ang tyansa na magkaroon ng almoranas ang mga may edad dahil na rin sa pagluwag at paghina ng bahagi na ito ng katawan. Naapektuhan ang nasa edad 45 -65.

Pag-upo ng matagal na panahon

Isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng almoranas ay ang pag-upo ng matagal. Kaya kung mapapansin natin na madami sa mga driver ang nakakaranas nito dahil na rin sa pagupo ng matagal na nagdudulot ng matinding presyon sa tumbong.

Pagtitibi (Constipation) 

Ang madalas na pagkakaroon ng constipation ay isa ring sanhi ng pagkakaroon ng almoranas. Ito ay dahil sa madalas na pag-iire na nagdudulot rin ng presyon sa tumbong. Kailangan natin mapalambot at mapadali ang pagdumi.

Pagtatae (Diarrhea) 

Hindi lamang ang Constipation ang maaring maging sanhi ng almoranas ngunit pati na rin ang pagtatae o Chronic Diarrhea.

Pagbubuntis

Isa ring dahilan ng pagkakaroon ng almoranas ang pagbubuntis.

Pagbubuhat ng mabibigat na bagay

Ang pagbubuhat ng mga mabibigat na bagay ay maari ring maging dahilan ng pagkakaroon ng Almoranas. Ito ay dahil sa matinding strain sa ating kalamnan.

Pakikipagtalik na pampuwit (Anal Intercourse)

Nagiging sanhi din nang almoranas ang pakikipagtalik na pampuwit. Lalong lumuluwag at nanghihina ang butas ng puwet tuwing nakikipagtalik na pampuwit at pinapataas nito ang pagkakataong magkaron ng almoranas.

Genetika

Kung ikaw ay nagtataka kung bakit ka mayroong almoranas at di ka naman nabibilang sa mga nabanggit na mga sanhi, ito ay maaring dahil sa iyong genes. May mga taong ipinanganak na madaling kapitan ng sakit tulad ng almoranas at iba pa dahil sa kanilang genetika.

Diyeta

Maaari ding maging sanhi ng pagkakaron ng Almoranas ang palging pagkonsumo ng Kape at Alak at hindi pagkain ng mga pagkaing mataas sa fiber.

Paano maiiwasan ang Almoranas

Narito ang maaaring gawin upang makaiwas sa Almoranas:

Pagkaing Mataas Sa Fiber (High-fiber foods): Ang pinaka-solusyon dito ay damihan ang pagkain ng pagkaing mataas sa fiber. Kailangan natin kumain ng 5 tasa ng pagkaing mataas sa fiber tulad ng gulay, patola, okra, kangkong, prutas, brown rice, wheat bread, mani at iba pa.

Kapag maraming fiber tayong kinain, mas magiging malaman (may bulk) ang iyong dumi at madali itong mailabas. Minsan, isang irihan lang at lalabas na ang dumi. Dahil dito, mas hindi masusugat ang iyong almoranas o puwit.

Uminom din ng 8-12 basong tubig. Kailangan mo ng maraming tubig para hindi tumigas ang iyong dumi.Huwag umasa sa gamot na pampadumi dahil lalo ka lang magtitibi pagkatapos ng epekto nito.

Huwag pigilin o ipitin ang paglabas ng dumi. Kapag pinipigil natin ang paglabas (tinitigas ang masel ng puwit) lalong kikipot ang lalabasan ng dumi at masusugatan lalo ang almoranas.
I-kalma ang sarili ang subukang ilabas ang dumi ng isang pag-iri lang. Magpatingin sa doktor (surgeon) para masiguro na almoranas ang problema.

Pag-iwas na umupo ng matagal. Iwasan ang pag-upo ng matagal. Maglaan ng oras upang tumayo at maglakad lakad upang maiwasan ang pressure sa may puwetan.

Gamot sa Almoranas

Narito ang mga maaaring gawin upang malunasan ang Almoranas:

Ice Pack or Cold Compresses – Ang pagkakaroon ng almoranas ay masakit at dito pumapasok ang icepack o yelo. Ito ay tumutulong sa pangangati at pananakit ng puwet. Ibalot ang ice sa tela at wag basta basta ididikit sa balat.

Maari itong itapal sa almoranas ng mahigit kumulang 20 minutos at gawin ito 3 beses sa isang araw.

Hot Sitz Bath – Maaaring gawin ang Hot Sitz Bath sa inyong tahanan. Punuin ng maligamgam na tubig ang isang malaking palanggana. Siguraduhing magkakasiya ito sa inyong puwetan.

Umupo at ibabad ang puwetan ng 10 – 15 minuto o hanggang sa lumamig ang tubig. Ito ay nakakatulong sa pagpapaluwag ng blood vessels at sa pagpapagaling ng pamamaga ng mga ugat.

Pagsuot ng maluwag na damit na gawa sa cotton – Maaring magkaroon ng iritasyon ang pagsuot ng masisikip na damit at salawal. Alam naman nating masakit ang almoranas kaya mas maiging magsuot ng komportable na damit na gawa sa cotton.

Operasyon – Ito ay kinakailangan kung umabot na sa yugto na hindi na nabigyang lunas ang sakit sa almoranas at ito ay naimpeksyon na.

Maari namang bumili sa botika ng mga gamot na ito:

  • Hydrocortisone Acetate – Maaaring ipahid ang cream sa labas ng puwit o sa xterior hemorrhoids upang mabawan ang pamumula, pamamaga at pangangati
  • Witch Hazel – Maari ring gamitin ang witch hazel sa almoranas. Karaniwan itong ginagamit sa Acne o sa kagat ng insekto. Maaari rin itong gamitin sa Eczema, at sa Varicose Veins. Ito ay tumutulong sa pamamaga at iritasyon.

Reference:

  • The Generics Pharmacy
  • Dr. Willie Ong